Ano ang kahulugan ng bilang na 75 sa buhay ng isang tao? Sa mga batang nag-aaral sa elementarya at haiskul ito ay nangangahulugan ng “pasang-awa” o nakapasa lamang dahil sa awa ng titser at sa kagustuhan niyang maialis na ito sa kanyang klase dahil sa loob ng 2 o 3 taon ay di pa rin natutong bumasa at sumulat, kasi madalas absent. Alam ko iyan sapagka’t ginawa ko sa loob ng 21 taon ng pagtuturo.
Nguni’t para sa isang may edad nang katulad ko, matapos kong makapasa sa pagiging apo, anak, kapatid, pamangkin, pinsan, kamag-aral, kaibigan, kapitbahay, kabarangay, kasama sa simbahan at komunidad, atbp., ano kayang palagay ko sa 75? Ang una kong palagay, ito ay kasama sa “Bonus Years” matapos kong lumampas ng 70. Kasama na rin dito ang paghina ng katawan at pagkakasakit ng karaniwang sakit ng matatanda tulad ng paglabo ng mata at rayuma. Nguni’t ang hindi maitatangging aminin ay ang hilig na mag-isip ng mga paghihinanakit, galit na nagsisimula sa pagbibintang, panunumbat, paninisi, paghatol o pangamba, pagkukumpara ng sarili sa iba, at kakulangan ng pagpapasensya. Naranasan na ba ninyong mataguriang “Ina ng Laging Galit” o kaya ay “5 Star General” ? Tama kaya ang naiisip ko na ang ugat na lahat ng ito ay pagkainip dahil wala nang magawa ang matatanda upang makasabay sa buhay ng mga nakababata? Dati ako ang pumupuna. Ngayon ako ang pinupuna. Para akong may 4 na biyenan. Kaya tinuruan nila ako na gumamit ng cellphone, computer at tablet. Hindi ko na masasabing wala akong gawain sa aking katandaan lalo na’t hindi mapaalis ng Angry Birds ang mga baboy sa kulungan. Naiinis lang ako at naiinip.
Hindi ko naisama na nakapasa ako sa pinangarap na buhay may-asawa kahi’t na kinulang kami ng 3 buwan sa aming ika-50 taong anibersaryo. Nakapasa kami ni Susing sa aming magkatuwang na pangarap na makatapos ng pag-aaral ang aming mga anak. Silang lahat ay may kani-kanyang hanapbuhay. Ang panganay si Antonina o Nina ay nagkaasawa, si Vicente Ayco at nagkaroon ng 2 anak, si Pamela Grace o Pam at si Patrick Johann o Hans. Ang pangalawa, si Arceli o Nenette ay nakatira sa America at umuwi para makiselebreyt. Ang pangatlo si Amelia o Lea ay naiwang kasama kong namumuhay at nag-aalaga sa akin. Alam niya kung paano ako patatawanin kapag kami ay nag-away. Ang bunso na si Angelita o Sr. Lita, ay 10 taon nang perpetually professed na madre ng Franciscan Missionaries of Mary (FMM). Kasama rin po niya ngayon ang ilan pang mga FMM nuns na naging kaibigan na rin ng aming pamilya. (Sa tutoo lang, ang aking apat na anak ang nagplano at nagsagawa ng pagdiriwang na ito sa hangarin nila na, katulad ng ginawa nila sa kanilang ama noong ika-70 kaarawan niya, ako ay mapasaya pagkatapos makapasa sa lahat ng aming pinagdaanan bilang isang pamilya.
Bukod sa aking pamilya, may mga kasama rin tayo na mga kapatid ko at kanilang mga kaanak. Narito rin ang mga kapatid ng aking yumaong asawa at kanilang mga kapamilya. Kasama rin natin ang ilan pa sa mga taong naging mahalagang bahagi ng aking buhay, kabilang dito ang aking mga kababata; mga kaeskwela; mga naging kasama sa trabaho; mga naging kasama sa simbahan; mga kapitbahay; at mga kaibigan namin ng asawa ko at ng mga anak namin.
Sa inyo pong lahat na narito ngayon, nadama ko ang walang kapantay na pagmamahal ng Diyos na hindi ko kayang isipin kahi’t kailan pa man sa aking katandaan.
Kaya’t sa halip na mag-isip pa nang malalim, magrerelaks na lang ako at tatanggapin ang pagmamahal ng Diyos na ipinadama sa akin at nawa’y magkasama-sama tayong lahat sa Kanyang piling magpakailanman.
Hayaan n’yo pong tapusin ko ang ito sa pamamagitan ng isang maikling panalangin: Hinihiling ko sa Iyo, aming Amang Diyos, na manatili Kang lagi sa puso ng bawa’t isa sa amin at huwag kaming makalimot na sa bawa’t sandali, Ikaw ay lagi naming purihin at pasalamatan. Amen.
MARAMING-MARAMING SALAMAT PO!